Cagayan Visitors’ Pavilion para sa Turista at Biyahero

Thursday, October 20, 2022

Ang matagumpay na pagpapatayo ng mga pasilidad para sa mga biyahero at turista sa iba’t ibang parte ng Cagayan.

Binibigyang halaga ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang mga biyahero at turista sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga Visitors Pavilion sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan. 

Ang mga Visitors Pavilion ay nagsisilbing pahingahan at silungan na bukas ng buong araw sa buong linggo. Ito ay may malawak at malinis na palikuran, tindahan ng mga lokal na produkto  at libreng kapeng  barako ng Cagayan.

Pinatayo sa pamumuno at direksyon ni Gobernador Manuel Mamba sa ilalim ng kanyang Cagayan Development Agenda 2025 (Caganda 2025) at pinamamahalaan ng Cagayan Tourism Office. Pinasinayaan ang pinakaunang pasilidad sa Nassiping, Gattaran noong taon 2019.  At nung 2020, sa pakikipagtulungan  sa Department of Trade and Industry, ang pavilion  ngayon ay isa na ring OTOP (One Town One Product) hub na naglalayong tumulong sa mga micro and small enterpises o mga negosiyante ng Cagayan na nagtitinda ng mga lokal na produkto. Ang pasilidad ay nagsisilbi ring Tourist Information and Assistance Center.

Launch of the OTOP Hub in Gattaran last 2021

Bilang pagtitiyak sa kaligtasan at seguridad ng mga pasilidad, ang mga ito ay binabantayan ng gwardiya at ito ay may mga CCTV (close circuit tv) na gumagana 24 oras.

Ang iba pang bukas sa publiko na Visitors Pavilion ay nasa Zitanga, Ballesteros (mula 2021) at Bangag, Lal-lo (mula 2022). Inihahanda na rin ang pagbubukas ng isa pang pasilidad sa Anquiray, Amulung.

Ang mga pavilions na nabanggit ay tumatanggap ng humigit kumulang na 1,000 bisita lingo- lingo at nakakalikom ng pinakamaraming halaga ng pinagbentahan ng lokal na produkto kumpara sa mga ibang OTOP hub sa rehiyon dos.

Dahil dito, balak pang pag-ibayuhin ang mga serbisyong inaalok sa mga pasilidad na ito. Maglalagay ng mga digital kiosks kung saan maitatampok ang tourism website ng Cagayan na www.visitcagayan.ph para mas mapadali para sa turista ang paghahanap ng mg impormasyon tungkol sa Cagayan. Ito din ay magsisilbing educational platform para sa Cagayano tungkol sa lalawigan. Magkakaroon din ng mga equipment para sa mga maintenance ng bisikleta at motor tulad ng pahangin sa mga gulong, tools at iba pa.

Pinaghahandaan na din ang pagbubukas sa publiko ng Visitors Pavilion sa Anquiray, Amulung at pagpapatayo pa ng iba pang pasilidad na ganito sa bandang hilagang silangan at timog kanluran ng Cagayan upang masiguro ang maayos at komportableng paglalakbay sa buong lalawigan. 

Ang pagbibigay pasilidad para sa mga turista ay isa lamang na hakbang sa mga plano ng probinsiya sa pangarap nitong maging isang Major Agro-Industrial Tourism Hub sa Pilipinas. 

#Cagayan #CagayanProvince #EndlessFUNCagayan #VisitCagayanPH

Written by: Norway Ken Jesus